Filipino Standards
Does your child struggle with expressing themselves in Filipino? Don't just rely on grades! Find out how to evaluate their language skills using these Grade Level standards:
Grade Level 1-2
Sa mga baitang na ito, dapat mapakita ng bata na naiinitidihan niya ang tekstong ito:
Nakita ni Maria na naglalaro ng luksong tinik ang mga bata. Tinanong niya ako kung bakit luksong tinik ang tawag doon.
Akala ni Maria ay kailangan ng tinik ng isda para maglaro ng luksong tinik. Sinabi ko sa kaniya na mga kamay at daliri lamang ang kailangan. Ibabakod ng mga taya ang kanilang mga kamay. Lulundag naman sa harang ang iba.
(Luksong Tinik mula sa Wikahon ng Adarna House)
... sa pamamagitan ng wastong pagsagot sa mga tanong na ito:
- Sino ang bata sa kuwento?
- Ano ang nilalaro ng mga bata?
- Kailangan ba ng tinik ng isda sa laro?
Ito ang halimbawa ng dapat kaya nang isulat ng inyong anak sa baitang na ito.
- Nag-aaral ako araw-araw.
- Nanonood ng telebisyon si ate.
- Nagluluto ng adobo si Tatay.
- Ang paborito kong hayop ay aso.
- Mahilig akong magbasa ng libro.
Grade Level 3-4
Sa mga baitang na ito, dapat mapakita ng bata na naiinitidihan niya ang tekstong ito:
Nanonood kami nina Ate ng TV nang biglang magdilim ang paligid. Brownout daw at walang koryente.
Natakot ako kaya bigla akong tumakbo kay Ate. Sabi ni Ate, huwag daw akong matakot. Marami raw akong makikitang mga bagay na tanging sa dilim lamang napapansin. At hindi raw sila nakatatakot.
Nang dumilat ako, nakita kong lumiwanag nang kaunti ang paligid dahil sa mga nakasinding kandila. Sa may bakuran namin, napansin kong may maliliit na liwanag na kumikislap. Mga alitaptap pala iyon. Maliwanag din ang langit dahil sa buwan at mga bituin.
Magaganda pala ang maaaring makita kapag madilim!
(Brownout mula sa Wikahon ng Adarna House)
... sa pamamagitan ng wastong pagsagot sa mga tanong na ito:
- Ano ang nangyari habang nanonood ang bata ng TV kasami ni Ate?
- Ano ang naramdaman ng nagsasalita noong mangyari ito?
- Anu-ano raw ang maaaring makita kapag madilim?
Ito ang halimbawa ng dapat kaya nang isulat ng inyong anak sa baitang na ito. Mahalagang gawin pa rin natin ang pagmamano sa nakatatanda. Nagpapakita ito ng paggalang sa kanila. Madali rin itong gawin: ilapit lamang ang likod ng kanilang kamay sa iyong noo at sabihin ang, “Mano po”. Siguradong matutuwa sila rito.
Grade Level 5-6
Sa mga baitang na ito, dapat mapakita ng bata na naiinitidihan niya ang tekstong ito:
Sapatero si Tatay. Kilalang-kilala ang mga likha niyang sapatos dito sa aming bayan. Marami ang pumupunta sa amin para magpasadya. Ayon sa mga sabi-sabi, tatalunin pa raw ng mga sapatos ni Tatay ang mga sapatos na gawang-Marikina. Matibay, pulido, at malikhain ang mga disenyo ng kanyang mga sapatos.
“Paano mo ba naiisip ang ganyang mga istilo? Kay gaganda!”
“Siguro, dinadalaw ka ng musa ng mga sapatos at suwelas. . .”
“Parang may madyik ang iyong kamay!”
Sa lahat ng papuri, matipid na ngingiti lamang si Tatay. Tahimik na tao si Tatay. Bihirang magsalita.
Lumaki ako sa piling ng mga sapatos na gawa ni Tatay. Madalas na kinaiinggitan ako ng mga kalaro at kaklase ko. Buti raw at sapatero ang Tatay ko. Lagi tuloy bago ang sapatos ko kapag pasukan, kapag Pasko, kapag bertday ko, o kung nakatanggap ako ng honors sa klase. Ginagawan pa ako ng ekstrang sapatos ni Tatay kapag may mga tira-tirang balat at tela.
“Buti ka pa, Karina, laging bago ang sapatos mo. Ako, lagi na lang pamana ng ate ko. Sa ‘kin napupunta lahat ng pinagliitan n’ya,” himutok ng isang kaklase.
(Sipi mula sa Sandosenang Sapatos ni Luis P. Gatmaitan)
... sa pamamagitan ng wastong pagsagot sa mga tanong na ito:
- Ano ang ibig sabihin ng salitang “sapatero”?
- Paano inilarawan ang mga sapatos na gawa ng tatay?
- Bakit kinaiinggitan ang nagkukuwento ng kanyang mga kaklase?
Ito ang halimbawa ng dapat kaya nang isulat ng inyong anak sa baitang na ito. pinaikli mula sa Si Rizal, Ang Ating Bayani ng DepEd
Si Jose Rizal ay ipinanganak sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Ang palayaw ni Jose Rizal ay Pepe. Siya ang pampitong anak nina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonzo y Quintos. Si Teodora ay may mga katangian ng isang huwarang ina, at sina Saturnina, Paciano, Narcissa, Olimpia, Lucia, Maria, Concepcion, Josefa, Trinidadat Soledad ang mga kapatid ni Jose. Ipinadala si Jose Rizal sa Binan, Laguna upang mag-aral. Natanggap niya ang kanyang Batsilyer sa Sining mula sa Ateneo Municipal de Manila, at natapos niya ang kursong Medisina sa Universidad Central de Madrid sa Espanya. Ang pagmamahal niya sa Pilipinas at sa mga Pilipino ay kanyang ipinakita sa tulang Mi Ultimo Adios. Binaril si Jose Rizal sa Bagumbayan, Maynila. Inialay niya ang kanyang buhay para sa Pilipinas.
Grade Level 7-8
Sa mga baitang na ito, dapat mapakita ng bata na naiinitidihan niya ang tekstong ito:
Hindi ko na siya nakikita ngayon. Nguni, sinasabi nilang naroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa luma at walang pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya. Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero, naroon pa siya’t nagtuturo ng mga kaalamang pang-aklat – at bumubuhay ng isang uri ng karunungang sa kanya ko lamang natutuhan.
Lagi ko siyang iuugnay sa kariktan ng Buhay. Saan man may kagandahan: sa isang tanawin, sa isang isipan o sa isang tunog kaya, nakikita ko siya at ako’y lumiligaya. Nguni, walang anumang maganda sa kanyang anyo... at sa kanyang buhay...
Siya ay isa sa pinakakaraniwang guro roon. Walang sino mang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing anumang di-karaniwan sa kanya.
Siya’y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya’y nakatalikod. Ang salitang iyon ang bukambibig niya. Iyon ang pumapalit sa mga salitang hindi niya maalala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandali ng pag-aalanganin. Sa isang paraang hindi malirip, iyon ay naging salaminan ng uri ng paniniwala niya sa buhay.
“Mabuti,” ang sasabihin niya, “...ngayo’y magisisimula tayo sa araling ito. Mabuti nama’t umabot tayo sa bahaging ito… Mabuti… mabuti...!”
(Sipi mula sa Kuwento ni Mabuti ni Genoveva Edroza-Matute)
... sa pamamagitan ng wastong pagsagot sa mga tanong na ito:
- Bakit “Mabuti” ang tawag sa guro ng kanyang mga mag-aaral?
- Batay sa ikalawang talata, positibo ba ang naging epekto ni Mabuti sa nagkukuwento? Bakit/bakit hindi?
- Paano inilarawan ng nagkukuwento si Mabuti bilang guro noon?
Ito ang halimbawa ng dapat kaya nang isulat ng inyong anak sa baitang na ito. Ngayong bakasyon, gumigising ako nang maaga araw-araw upang makapaglakad sa aming barangay. Suot-suot ko ang kumportable kong sapatos nang hindi agad sumakit ang aking mga paa dahil halos apatnapu’t limang minuto din akong naglalakad. Dala-dala ko ang aking cellphone upang may napakikinggan akong musika o kaya naman podcast sa aking pamamasyal. Habang nakikinig at naglalakad, pinagmamasdan ko ang paligid ko, at hindi ako nagmamadali. Dahil maaga pa, hindi pa gaanong mainit, at presko lagi ang hangin. Bago makabalik ng bahay, tinitiyak kong makabili muna ako ng simpleng merienda gaya ng taho o monay, na kinakain ko habang pauwi. Laging masaya at maaliwalas ang mga umaga ko ngayong bakasyon dahil dito. Sayang lang at ‘di ko na matutuloy kapag balik-eskwela na!
Grade Level 9-10
Sa mga baitang na ito, dapat mapakita ng bata na naiinitidihan niya ang tekstong ito:
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki’t maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong lunas na walang bisa. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanang ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi’y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kaniya kung naroon man o wala ang gabi – at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi’y mailaw at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ang buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipstek, ng kandila, ng kung ano-anong ugat ng punongkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kaniyang bibig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kaniyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kaniyang katawan.
“Mama... Ale, palimos na po.”
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalata ng pagmamadali ng pag-iwas.
(Sipi mula sa Mabangis na Lungsod ni Efren R. Abueg)
... sa pamamagitan ng wastong pagsagot sa mga tanong na ito:
- Ilarawan ang tagpuan ng kuwento. Kailan at saan ito nangyari?
- Ipaliwanag kung bakit, ayon sa ikatlong talata, “buhay ni Adong ang simbahan”.
- Nabanggit sa teksto na mapapaiyak na raw si Adong. Bakit kaya?
Ito ang halimbawa ng dapat kaya nang isulat ng inyong anak sa baitang na ito.
Sipi mula sa Nang Maging Mendiola Ko Ang Internet Dahil kay Mama ni Abegail Joy Yuson Lee, (Ikalawang Gantimpala, Carlos Palanca Memorial Awards para sa Kabataan Sanaysay)
Binigyan tayo ng Diyos ng bibig para makapagsalita at utak para makapag-isip.
Iyan ang paulit-ulit na dayalogo sa akin ni Mama sa tuwing nalalaman niyang hindi na naman ako nagsalita upang ipagtanggol ang aking sarili. Ako kasi yaong tipo ng taong hindi nagsasabi ng tunay na nararamdaman at hinaing. Napag-isip-isip kong may punto naman siya doon. Tama naman talaga siya. Ginagamit natin ang ating mga bibig para maisalita kung ano ang ating mga saloobin kaagapay ang utak upang iproseso ang mga napapansin at kapansin-pansing mga bagay-bagay na nangyari sa ating paligid.
Ngunit, naisip ko, habang sinasabi na naman niya sa akin ang paborito niyang linya, paano naman kaya ang mga piping hindi naisasalita ang kanilang mga saloobin? O kaya, ang mga taong katulad ko na nahihiya o kung minsan ay natatakot isalita ang mga saloobin? Paano kaya nila sasabihin sa mga tao sa paligid nila ang kanilang mga hinaing? Paano kaya nila maipararating ang kanilang mga nasasaisip. Paano kaya nila maipagtatanggol ang kanilang mga sarili laban sa iba? Hindi naman sa lahat ng oras ay nariyan ang mga taong nakauunawa sa bawat pagkumpas ng kanilang mga kamay at pagbabago ng ekspresyon ng kanilang mga mukha o ang mga simpleng pananahimik nila sa sulok ng bahay. Nagtataka ako. Paano kaya nila sasabihin ang mga gusto nilang sabihin kung ipinagkait sa kanila ang kakayahan at karapatang makapagsalita?